Sinampal ng Pa-deep Epek

Sapagakat sa bawat katok ng salita

nauulinigan ko ang iyong

mga impit na halinghing at bulong;

sa bawat tulos ko ng taludtod,

pumapatak sa diwa ang malalapot na gunita;

at kapag naitundos ko ang imahen,

nakukuyom ko kahit

ang balangkas ng iyong anino.

Kaya unawain ako

kung ito lang ang kayang gawin.

Sapagkat tula lang ang naangkin.

At dito ka lang nagiging akin.

-RR Gappi

Ayan. Isa pang nakatutuwang tula mula sa isang katipunan ng mga lirikong salita. Hindi ako makata. Mahirap sa akin ang gumawa ng tono gamit ang mga walang tunog na salita. Sintunado kasi akong bata. Ang notang mataas, pilit na bumababa at ang liriko’y nababsag sa aking kulang sa bighaning tinig. Pasensya, guguhit nalang ako kesa kumanta’t tumula. Babawi na lamang ako sa wangis at sa mga kwentong walang kwenta. Sapat na sa akin ang manood ng mga taong marunong. Sapat na ito.

Sa ngayon.

Ako’y mag-isang nagbabasa sa itaas ng isang mesita. Hindi ako mahilig sa mga upuan at tiyak na ikahihiya ako ng aking guro sa ComSci noong high school dahil dito. Mahilig ako umupo sa hagdan, sa ibabaw ng mesa, sa ibabaw ng bubong, sa ibabaw ng balkonahe’t kung saan-saan pang ibabaw pero hindi talaga ako nahilig umupo sa isang upuan. Ngayong malinaw na iyon, magkukwento na ako tungkol sa tulang binasa namin sa Humanities.

Ang nasa itaas ay bahagi lamang ng isang buong tula na pinamagatang “Kung Hanggang Tula Lang Ako” ni Richard Gappi. Wala lang, natuwa naman ako. Madaling ihalintulad ang sarili sa taong nagsasalita sa tula. Taong nabubuhay sa patay na gunita ng kahapon. Taong nangangarap mag-ipon ng magaganda’t maaalab na gunita ngunit ‘di naman magawa. Ano ba ito, ang joke time ko magsulat. Balik sa pinag-uusapan, ayon nga, madali lang masabing alam mo ang nadarama ng isang taong nangangarap ng guni-guning sinta. Umaasang maging sila ngunit alam naming hindi talaga pwede. Nagmamahal nang walang kapalit. Nangangarap nang walang katumbas.

Kung makata ka o kaya’y mahilig lang talaga magsulat, malamang ay alam mo na rin talaga ang pakiramdam ‘pag nakatatapos ka ng alay na mga salita sa iyong sinisinta,

Ang sarap ng pakiramdam ng ugnayang sa isip lamang totoo. Nabubuo ang mundong perpekto kung saan ay ikaw at siya lamang ang laman at wala sino man, kapit-bahay, lola, manika, bakla, magtataho, barbero o labandera ang maaring makialam sa ligaya ninyong dalawa. Sa sulat, sa gamit ng manhid na mga salita, nagkakaroon ka ng hiram na panahon kung saan siya ay iyo at ikaw ay kanya, mga taong eksklusibong para lamang sa isa’t isa. Waw ‘tol, hanep. Ilosyunado/a.

Pero totoo ‘di ba? Ang mga manunula ay ginagamit na tulay ang tula upang maipahayag ang damdaming tago. Ang mga mananayaw ay umiindayog sa tugtog ng kanilang damdamin. Ang mga biniyayaan ng galing sa pagguhit ay naisalalarawan ang kanilang mga hinaing gamit ang kulay, tinta, papel, tela, pader, upuan, kubeta at kung ano pa man na pwedeng lapatan ng kahit anong panlapat. Nakatutuwa naman.

Ang sining ay tulay. Ang sining ang teleponong gamit mo sa pagtawag. Ang sining ang Y!M, ang plurk, ang email, ang gmail, ang facebook, ang text message na gamit mo para marinig ng irog mo ang nais mong ipahiwatig. Alam mo ang nakatutuwa? Mga piping haplos lamang lahat ng nabanggit. Hanggang diyan lang sila. Hanggang teknolohiya, hanggang pabulong na sigaw ng mga salita. Kung may tunog, boses na walang katawan at mukha ang iyong maririnig. Ang saya. Ang saya-saya.

Pero, tulad nitong ginagawa ko, ito lang ang paraan para matawag ko siyang akin. Sa aking isipan, siya’y akin. Sa aking mga gunita na nalapatan na ng iba’t ibang pagpapakahulugan, siya’y akin. Sa mundo ko na binakuran ng libong bulong ng kasalukuyang pinapangrap na pag-ibig at pagsinta, siya’y akin. Sa sobrang pangangarap, siya’y nahahagkan. Sa sobrang pag-iisip, siya’y nabubuo. Nakakabaliw, nakakaaliw.

Gabi na at maganda ang buwan sa labas. Oras na para tapusin ang pagpapanggap para sa araw na ito. Tapos na ang pag-angkin ng guni-guning sinta at tapos na rin ang walang hanggang pangarap para sa isang hinaharap na ‘di naman magaganap. Patawarin nawa niya ako dahil dito lamang sa sanktwaryong ito ng pagsulat siya naaangkin.

Dito lamang siya nagiging akin.

Advertisements

About kyogakura
Bored 95% of the time.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: