Katha-kathaan ng Nangungulilang Tanghalera

Ayan, dumating ka sa gitna ng dalamhati’t sa wakas ng kasiyahan. Hindi ko mabatid kung bakit ba ikaw sa lahat ng dating pinangarap ang ngayo’y madadatnang sasali at dadamay sa aking kalungkutan. Hindi naman sa hindi ko gusto o di ka’y hindi ko pinangarap mangyari ngunit ngayong nandito ka na, hindi ko na maalala ang iba ko pang panaginip. At mangha lamang ang aking kayang madama sa umpisa. Manghang ako’y baka nga hindi nag-iisa at manghang ikaw – bakit nga ba ikaw? Ngunit tulad ng ang wakas ay nanganganak ng bagong simula, hindi ba dapat lang na ang bagong simula ay magdulot din ng bagong wakas?

At kahapon ang ngayon ay ang bukas.

Hindi naman ako umasang magtatagal ka. Tulad ng haplos ng hangin sa tanghaling balot sa kumot ng El Niño, darating ito at magpapawi nang panandalian lamang. Tulad ng maraming bagay sa aking buhay, wala naman akong inaasahang magtatagal talaga. Sabihin na nating hindi ako natutuwa sa pagloko sa aking sarili na maaaring manatili ang lahat sa iisang estado lang. Pero ako ang tipo ng tao na mahilig umasa hanggang sa huling sandali. Ngunit ang pag-asang ito ay para sa pinaka-maliit lamang na kagandahan. At nung dumating ka, alam kong aalis ka. Hindi man bukas, hindi man sa makalawa, darating ang panahong lilisanin mo rin ang buhay ko. At oo, umasa akong hindi ito bukas. Sa bawat araw na ibinigay sa akin, iisa lamang ang totoong inasahan ko: na sana, bukas ay nasa buhay pa rin kita. Maliit lamang kung tutuusin at hindi rin naman ganun kalaking sama ng loob ang madarama kung hindi ito magkatotoo pero habang tumatagal, umuusbong din ang pag-asang baka nga hindi ka na lilisan pa. Unti-unti itong lumalaki at nilalamon nito ang multo ng aking pagiging matibay. Unti-unti akong natatakot habang patuloy na lumalaki ang pag-asa sa aking sarili. Takot na akong lumisan ka.

At bukas, ang ngayon ay kahapon.

Paggising ko baka wala ka na. Paggising ko, baka hindi na tayo magkakilala. Ang bawat sandaling siguro nga’y pagtatampisaw lamang sa lawa ng isipan ay nagdudulot din ng matinding kalungkutan – kalungkutang kumakain ng pagkatao at sumisira ng sentido. Habang lumilipas ang bawat segundo, nauupos ang liwanag at nagpapang-abot ang araw at buwan sa himpapawid. At habang nakatingin ako sa kanilang tahimik na pag-aaway, lumalamig ang mainit na hangin. Mistulang inihaharap sa akin ang pagkaubos ng oras na ikaw ay makakasama. At ang init na nadama ngayon ay nauupos at ang liwanag ay nagtatago na sa kurtina ng takip-silim.

Unti-unti, natatakot na akong mahimlay sa kandungan ng aking mga panaginip. Siguro ay dahil sa baka ayaw ko nang umalis pa sa mundong iyon dahil doon na lamang kita masisilayan pag ikaw ay wala na. Marahil din ay baka masakal ako ng mga bangungot dahil alam kong wala nang liwanag sa mga kublihan sa sulok ng aking isipan. Marahil ay pareho. Marahil ay wala. Hindi ko na gusto pang mahimlay sa bisig ng kalimot dahil habang sinusubukan kong makalimot, nagsusumamong mukha mo ang aking nakikita. Hindi kita makalimutan – ikaw at ang mukha mong sana ay nahahagkan.

Ngunit kahit kailan ay hindi naging akin. Ni minsan ay hindi nahaplos ng aking kamay ang iyong balat. Ni minsan ay hindi nasalat ang balangkas – upang masuri – kung ikaw ba ay totoo at hindi isang anak ng mga bulungan sa sulok ng aking isipan. At ngayon, hindi na masusuri pa. Huli na, tapos na, inabot na natin ang wakas. At ikaw, na may hawak ng pluma’t humihigit ng sinulid, ang maglalagay ng huling tuldok sa kwentong hindi rin naman nasimulan.

Aalis ka. Oo, darating na ang umagang matagal ko nang napaghandaan. Napaghandaang iyakan, napaghandaang harapin, napaghandaang itakwil at kalimutan, mahalaga pa bang tukuyin kung alin nga ba ang tunay na napaghandaan gayong kahit ako ay hindi ko na rin malaman? Sa iyong paglisan, hindi mo malalaman na sa bawat takip-silim, ikaw ay aking tatawagin. Hindi mo rin malalaman na sa bawat bukang-liwayway ay magbubuhos ako ng luha sa ating mga alaala. At hindi mo malalaman, kahit kailan, na ang pagtawa ko sa iyong paglisan ay para talaga sa akin. Ako na nagtatanghal sa entablado ng iyong buhay. Ang artistang doble-kara.

Muli’t muli, hahanapin ko ang mga bituin mo sa kalangitan at muli’t muli ay hihiling ako ng panaginip kung saan ika’y makakasama kong muli.

Advertisements

About kyogakura
Bored 95% of the time.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: