Voltes Five Blues

Mahirap makilala ang tunay na sarili ng isang tao. Mahirap ito dahil sa ayaw natin itong makita. Takot tayo na malaman natin na ang ating tunay na sarili ay isang taong hindi natin inaasahan. Takot tayong maabutan ng ating damdamin dahil alam nating may maliit na bahaging hindi natin gusto. Lahat ito ay sa dahilang alam natin, sa ating pinaka-tagong kaalaman, na tayo’y tao. Tao tayong nagkakamali, nanghuhusga at may kakayahang gumawa ng mga bagay na wala sa listahan ng itinalagang moralidad ng mundong ating ginagalawan. Oo, tao tayo at ito’y isang katotohanang hindi natin maitatanggi sa ating mga sarili.

Nakasentro ang mundo ko sa kaisipang ito. Pilit kong pinag-aralan ang sining ng pagtatago. Marahil ay bunga ito ng kagustuhan ng mga tao sa aking paligid. Ang mga taong naglinang sa akin upang matakot na makilala ang kanyang sarili. Naaalala ko pa ang tawanan nila. Ang kanilang mga blangkong mukha at ang kanilang mga tagong bulungan. Ang bawat sandaling inilalaan ko sa pag-alala ang nagpapa-igting sa aking kagustuhang magtago sa likod ng isang mascara. Ninais kong ang makita lamang nila ay ang kanilang gusting mukha. Gusto ko silang masiyahan kahit na sa likod ng kasiyahan nila ay isang taong unti-unting nawawala sa dagat ng pagkukunwari; unti-unting nawawala sa likod ng kanilang kagustuhan.

Tila isang panaginip na lamang ang mga araw ko sa loob ng kwadradong kwarto sa ikalawang palapag ng Bordner.

Hangin.

Habang ako’y nag-iisip ay may marahang simoy ng hangin na tumama sa akin. Hangin na bagama’t malamig, ito’y hangin na mainit sa katawan. Ang buhay ko noong unang taon ang nagdala ng parehong simoy sa aking katauhan. Malamig at sa parehong pagkakataon ay nagbigay sa akin ng alab na nagpupumilit na sirain ang pananggalang ko – ang aking maskara.

Ngunit dumating din ang araw na ang marahang simoy ng hangin ay nawala. Kapalit nito ang pagdungaw ng bagong umagang hanep sa kaemohan.

Ikalawang taon, taon ng hayagang pagkukubli. Tila may isang malaking salamin na nakaharang sa aking harapan sa araw-araw na pilit kong buhayin. Isang salamin na naghihiwalay sa akin sa mundo nila. Nakatutuwang isipin ang isang taong nagmamasid sa likod ng isang salamin. Parang bantay-salakay, naghihintay lamang ng hudyat na sumugod sa pagkakataong hindi inaasahan ng lahat. Para bang nanganak lamang ang aking mascara at ang kanyang sanggol ay isang doble-karang salamin.

Nasa ika-apat na palapag kami noon. Naaalala ko ang kalangitan ng Maynila. Tuwing Filipino naming ay kulay abo ito. Sa tanang buhay ko sa Maynila, hindi ko pa ito nakikitang bughaw, ngunit tuwing Filipino, doon ko lamang pinapansin ang kulay nitong kulay abo.

Sa ikalawang taon na iyon ay nakakilala ako ng isang taong hindi ko akalaing makikilala ko sa mundong ito. Hindi ko sasabihin ang pangalan niya bagaman isa siya sa mga taong nagpabago ng pananaw ko sa mundo.

Magka-grupo kami noon. Dalawang markahan ko siyang nakasama at sa paligid niya, unti-unting nawala ang salamin ng ginagamit ko upang makapagtago mula sa tunay kong katauhan. Napalitan ito ng isang ngiti na kahit ang mala-abong kalangitan ng Maynila ay hindi ito mapawi.

Ngunit sa ikatlong taon, ang kalangitan ay dumilim hanggang ang abo’y nagmistulang uling. Nangingitim at madaling makahawa sa iba.

Sa ikatlong taon dumating ang maraming pagsubok sa aking buhay bilang tao. Ang ngiting sumibol noon ay bumalik sa pagiging maskara. Kailangan kong ngumiti kahit na alam kong hindi ito totoo. Mistulang piitan lamang ang aking katawan; piitang masikip, abuhin at naglalawa mula sa aking mga sariling luha.

Wala nang elemento na magbibigay turing sa ikatlong taon kung hindi kadiliman. Kadiliman sa damdamin, sa isipan at sa katauhan. Sa damdamin sapagkat tuwing nagkakaroon ng gawain, o kahit ano pa man na nangangailangan ng isang buong grupo para magawa, laging may away. Laging may gustong siya ang kagiliwan, habang ang isa’y gusto palagi ang bida. Ang araw-araw ay nakasasawa at dahil dito ay natutunan kong kagalitan ang mga bagay na pwede naming kagiliwan.

Ang pagkamuhi ko ay bakas dahil ito ang alam kong iniisip ng mga nakapaligid sa akin. Sa ikalawang pagkakataon, hinayaan kong sila ang humulma ng aking paniniwala para maging masaya ang lahat. Ito ang kadiliman sa aking isipan, ang nakapandidiring paniniwalang ito. Para naman sa aking katauhan, ang dating tunay na ngiti ay bumalik sa pagkukunwari. Nawawalan ako ng hawak sa mundo at ang masama pa, minsan ay nagugustuhan ko ito. Mistulang kasabawan lamang na pilit na pinasak sa aking pagkatao. Minsan ay parang droga o di kaya’y serbesa na sa pagdilim lamang ng kapaligiran, sa loob ng isang saradong silid, nasasaid ang pilit na ligaya.

Walang kalangitan na makikita sa kwarto sa ikalawang palapag ng Main. Tanging anino lamang ng gusali ng Emilio Aguinaldo College ang masisilayan mo. Isang aninong tila nang-aasar at nangingitil ng iba’t-ibang pinagkukunan ng ligaya.

Ang kadiliman, ang maskara at ang pagkukunwari ay naglaho sa ika-apat na taon.

Naisip ko, pwede naming maging masaya. Bakit ko hahayaan ang aking sarili na lamunin ng kalungkutan? Ang pagdurusa ay nasa tao, nasa kanya na ito kung pipiliin niyang isuka ang kanyang sariling kaligayahan hanggang siya’y mamatay. Lahat ng bagay, dapat may hangganan. Dapat malaman din natin sa ating sarili kung kalian dapat tumigil at kung kalian dapat ipagpatuloy ang mga bagay-bagay. Kung naipagpapalit mo na ang sarili mo para sa iba, ano na lamang ang matitira sa iyo? Isang  bakas ng anino, isang sulyap sa sulok kawalan?

Ang hangin ay nagging marahan at ang anino’y naging malamig sa himpapawid ng maynila. Ang salamin ay nabasag na.          Sa isang bakanteng upuan sa loob ng kwartong may apat na pader, sa wakas, natagpuan ko na rin ang aking matagal na ikinubling sarili.

Advertisements

About kyogakura
Bored 95% of the time.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: