Kwentong Weirdo

Ang mga saktong tagpo ng buhay na matagal nang naka-stuck sa aking folders at ngayon lang na-post.

AKA the typical pang-asar moments na akala mo ikaw

AKA mga nakakabadtrip na scenario ngayong panahong ito

Martyrdom:

Dyan ka at dito ako. Ganun naman palagi ang tagpo. Malapit tayo kung sa malapit at pareho nga siguro ang pagkakatupi ng mga sikmura natin. Hindi naman ito isang tagpong tinadhanang mangyari. Nangyari lang talagang nandyan ka at nandito ako nung panahong dapat siguro’y ibang tao dapat ang nakatayo riyan at ibang tao ang naka-upo rito.

Magte-text ka mamaya. Inaabangan ko ang paghihinalo ng celphone ko sa magdamagan nating session. Lagi naman tayong ganito dahil kahit di ko alam na alam mong nandito ako, may mangyayaring kakaiba na magaganap sa ating pagsasama. Ngayon mas sigurado akong makakatikim ako ng mensahe mo lalo na’t nararamdaman kong dumating na ang araw na hinihintay mo. Dumating na rin ata ang araw na sanhi ng ilang paglalasing na naganap sa buhay ko.

Lumalalim na ang gabi. Ang hamog ay unti-unting gumagapang sa aking mga buto. Sa mga pagkakataong gaya nito, niloloko ko ang aking sarili na nandyan ka. Nandyan ka’t ikaw ang sanhi ng maligayang init sa mga gabing kagaya nito. Pero hindi. Kung nasaang ‘dyan’ ka man ngayon, malayung-malayo yan mula rito.

Hindi mo rin naman maiintindihan kung sakali mang ipaliwanag ko sa ‘yo ang mga bagay na hindi ko masabi. Hindi ko rin maiintindihan kung bakit hindi mo maintindihan. Ganun tayo kagulo pero sa kabila nito, alam kong nagkakaintindihan tayo na hindi na dapat tayo humantong sa kung ano man ang gusto kong patunguhan natin. Alam nating pareho na nandyan ka lang at nandito ako kaya wala tayong problema.

Teka, nag-text ka na pala.

“Best, kami na! J”

Tangina. May happy face pa.

Kabobohan:

Ilang habambuhay na ba ang dumaan? Akala ko kasi nung unang panahon, nung bata pa tayo, habambuhay tayong maglalayag sa himpapawid ng ating mga pangarap. Peksman diba? Hope to die at cross my heart ang pangakong binitawan. Lumipas na ba ang habambuhay?

Nag-eskandalo ang celphone ko. Nag-text ka.

Pinilit kong intinidihin ang nakasulat pero ang lumabas ay parang usapan sa pagitan ng German at Ilokano. Kahit anong pilit, ayaw salain ng utak ko ang simpleng ingles at tagalog mong mensahe ng walang humpay na pagpapaliwanag. Kalkuladong sulat sa denumerong celphone. Parang nung mga panahong sumasali ka sa patimpalak ng oratoryo, praktisado at pulido ang bawat bitiw mo ng salita. Di ko akalaing darating ang araw na sa akin mo gagamitin ang talent mong iyon.

Sinubukan mo. Hindi ko maisumbat sa ‘yo na pareho lang tayong sumubok. Sa ating dalawa kasi ako lang naman ang tumigil na sa pagsubok ng kung anu-ano. Ang nagging mali ko lang, hindi kita inimbitahang sabayan ako at lisanin na nang tuluyan yang pagsubok na ‘yan.

Sinubukan ko pero…

Pero kasi hindi rin sakto. Hindi kasi pasok sa gusto mong mangyari kaya ganito nalang. Walang hanggang dedmahan – dedmahang alam naman nating hindi talaga dedma pero pwede na. Saktong dyahe lang pag nagkikita tayong dalawa. Tangina, tinalo pa natin ang coke sa sobrang kasaktohan ng pinag-gagagawa natin.

…hindi ko kayang kalimutan siya.

Simple lang. Ilang habambuhay na ba naipangako mo sa kung sinu-sino? Hindi kita masisi pero sana hindi ka nalang rin nagdahilan. Alam ko hindi mo kayang magka-amnesia para sa akin pero sana kahit isang habambuhay lang pinatikim mo sa akin. Hindi naman ako mareklamo pero ano pa bang masasabi ko sa ‘yo? Said na said na ako. Nakakapagod kang seryosohin.

Sana sa akin ka nalang nagpakatanga.

Kwento ni Leslie:

Simpleng buhay lang naman ang gusto pero parang kahit ata iyon hindi kayang ibigay sa akin ng tadhana. Hindi ako mahilig sa mga komplikadong bagay. Ayaw na ayaw kong gawing komplikado ang mga bagay na pwede naming simple nalang o kaya madali. Pwede naman nating makuha ang gusto natin with minimal effort kung gugustuhin.

Naging mabait naman akong tao. Hindi naman ako pala-away o kaya ay nakapatay. Kung tutuusin, isa ako sa mga boring na tao na may boring na buhay.

Pero sinira mo lahat iyon noong nakilala kita.

Ang gwapo mo, ‘tol. Hindi ko ‘yan ikakaila. Ialang beses akong napatigagal tuwing dadaan ka sa harapan ko. Nalalaglag panga ko tuwing dadaan ka. Hindi ko alam saan ako magtatago dahil natutunaw ako tuwing nakikita ka. Hindi ko na magawang simple ang buhay ko mula noong dumating ka.

Sabagay, paano nga ba magiging simple ang lahat kung ang gusto mo at ang gusto ko ay taliwas ngunit iisa. Nagkataon nga lang siguro at  ngayon na ang time ko para pagtripan ng tadhana. Hindi ko akalaing tataamaan pa ako sa kagaya mo. Sa  mga talinghagang ito, ilang ulit ka na ring lumitaw at lumayo. Ilang beses ko na ring inisip kung bakit ba parang napagti-tripan lang lahat tayo. Sa dinami-dami ng pwede, ikaw pa na ang trip ay kapareho ko.

Sana, sa susunod lalake naman ang maging trip mo.

Sino Ang Tunay na Baliw?

Anong nadarama kapag nakikita kang dumarating. Natutuliro, hindi malaman ang gagawin.

Weirdo lang ako. Hindi naman ako malalim kausap. Usually, mukha lang akong maraming iniisip at marami akong nalilinlang dahil dito. Ang totoo, iniisip ko lang kung anong kakainin ko mamaya. I usually think with my stomach. Madaming panahon na akong muntik mapahamak dahil sa libreng pagkain. Hindi pa naman ako nagkakasakit nang malupit pero kung naiintindihan mo kung ano ang ibig kong sabihin, baka sabihan mo lang ako ng tanga. Ganoon talaga siguro, may mga bagay talagang din na pinag-iisipan nang wagas. Parang ako. Kung pag-iisipan mo pa kung pano, bakit at para saan ang ginagawa ko ay mapapagod ka lang at mapupuyat sa kaiisip. Kadalasan wala naman talaga. Trip ko lang ‘yon kaya wag nang masyado pang pang pag-isipan.

Simple lang naman ang gusto ko sa buhay. Gusto ko lang namang maging masaya. Sa ngayon kasi, dalawang bagay lang nagpapasaya sa akin (dahil din siguro madali akong maburyo sa mga bagay-bagay). Kung gusto mong malaman sasabihin ko na rin: pagkain at tao. Kung baga, the best things in life are free so if you’re free tonight, just call me. Pwede rin palang libreng pagkain, kakasa ako dyan nang walang kaabog-abog. I’ll take everything as long as it’s free, pare. Even you.

Tunog malandi lang pero sa totoo lang, ganyan lang talaga ako. It’s mostly empty to me but sometimes I tell the truth. Pero pag nagsabi na ako ng totoo wala namang naniniwala. Sanay na silang nanggagago lang ako kaya ayon, wala nang nagseseryoso.

Pwede namang hindi tayo complicated. Pwede naman tayong maging masaya. Hindi naman dapat tayo nabubuhay para mainis. Para saan pa’t nagkaroon ng comfort drive. Kaso iba-iba rin kasi ang trip ng bawat isa. Maaring ikaw o kaya siya ay may trip tulad ng ballet at zumba. Hindi ko trip ‘yon pero sige lang sasakyan kita kahit pareho na tayong mukhang tanga. Walang basagan ng trip para lahat tayo happy.

Weirdo lang ako. Natatame at natutuliro on a case to case basis. Kung ano man ibig sabihin noon, wag mo nang isipin. Mapapagod ka lang.

Nagpapa-deep lang ako.

Voltes Five Blues

Mahirap makilala ang tunay na sarili ng isang tao. Mahirap ito dahil sa ayaw natin itong makita. Takot tayo na malaman natin na ang ating tunay na sarili ay isang taong hindi natin inaasahan. Takot tayong maabutan ng ating damdamin dahil alam nating may maliit na bahaging hindi natin gusto. Lahat ito ay sa dahilang alam natin, sa ating pinaka-tagong kaalaman, na tayo’y tao. Tao tayong nagkakamali, nanghuhusga at may kakayahang gumawa ng mga bagay na wala sa listahan ng itinalagang moralidad ng mundong ating ginagalawan. Oo, tao tayo at ito’y isang katotohanang hindi natin maitatanggi sa ating mga sarili.

Nakasentro ang mundo ko sa kaisipang ito. Pilit kong pinag-aralan ang sining ng pagtatago. Marahil ay bunga ito ng kagustuhan ng mga tao sa aking paligid. Ang mga taong naglinang sa akin upang matakot na makilala ang kanyang sarili. Naaalala ko pa ang tawanan nila. Ang kanilang mga blangkong mukha at ang kanilang mga tagong bulungan. Ang bawat sandaling inilalaan ko sa pag-alala ang nagpapa-igting sa aking kagustuhang magtago sa likod ng isang mascara. Ninais kong ang makita lamang nila ay ang kanilang gusting mukha. Gusto ko silang masiyahan kahit na sa likod ng kasiyahan nila ay isang taong unti-unting nawawala sa dagat ng pagkukunwari; unti-unting nawawala sa likod ng kanilang kagustuhan.

Tila isang panaginip na lamang ang mga araw ko sa loob ng kwadradong kwarto sa ikalawang palapag ng Bordner.

Hangin.

Habang ako’y nag-iisip ay may marahang simoy ng hangin na tumama sa akin. Hangin na bagama’t malamig, ito’y hangin na mainit sa katawan. Ang buhay ko noong unang taon ang nagdala ng parehong simoy sa aking katauhan. Malamig at sa parehong pagkakataon ay nagbigay sa akin ng alab na nagpupumilit na sirain ang pananggalang ko – ang aking maskara.

Ngunit dumating din ang araw na ang marahang simoy ng hangin ay nawala. Kapalit nito ang pagdungaw ng bagong umagang hanep sa kaemohan.

Ikalawang taon, taon ng hayagang pagkukubli. Tila may isang malaking salamin na nakaharang sa aking harapan sa araw-araw na pilit kong buhayin. Isang salamin na naghihiwalay sa akin sa mundo nila. Nakatutuwang isipin ang isang taong nagmamasid sa likod ng isang salamin. Parang bantay-salakay, naghihintay lamang ng hudyat na sumugod sa pagkakataong hindi inaasahan ng lahat. Para bang nanganak lamang ang aking mascara at ang kanyang sanggol ay isang doble-karang salamin.

Nasa ika-apat na palapag kami noon. Naaalala ko ang kalangitan ng Maynila. Tuwing Filipino naming ay kulay abo ito. Sa tanang buhay ko sa Maynila, hindi ko pa ito nakikitang bughaw, ngunit tuwing Filipino, doon ko lamang pinapansin ang kulay nitong kulay abo.

Sa ikalawang taon na iyon ay nakakilala ako ng isang taong hindi ko akalaing makikilala ko sa mundong ito. Hindi ko sasabihin ang pangalan niya bagaman isa siya sa mga taong nagpabago ng pananaw ko sa mundo.

Magka-grupo kami noon. Dalawang markahan ko siyang nakasama at sa paligid niya, unti-unting nawala ang salamin ng ginagamit ko upang makapagtago mula sa tunay kong katauhan. Napalitan ito ng isang ngiti na kahit ang mala-abong kalangitan ng Maynila ay hindi ito mapawi.

Ngunit sa ikatlong taon, ang kalangitan ay dumilim hanggang ang abo’y nagmistulang uling. Nangingitim at madaling makahawa sa iba.

Sa ikatlong taon dumating ang maraming pagsubok sa aking buhay bilang tao. Ang ngiting sumibol noon ay bumalik sa pagiging maskara. Kailangan kong ngumiti kahit na alam kong hindi ito totoo. Mistulang piitan lamang ang aking katawan; piitang masikip, abuhin at naglalawa mula sa aking mga sariling luha.

Wala nang elemento na magbibigay turing sa ikatlong taon kung hindi kadiliman. Kadiliman sa damdamin, sa isipan at sa katauhan. Sa damdamin sapagkat tuwing nagkakaroon ng gawain, o kahit ano pa man na nangangailangan ng isang buong grupo para magawa, laging may away. Laging may gustong siya ang kagiliwan, habang ang isa’y gusto palagi ang bida. Ang araw-araw ay nakasasawa at dahil dito ay natutunan kong kagalitan ang mga bagay na pwede naming kagiliwan.

Ang pagkamuhi ko ay bakas dahil ito ang alam kong iniisip ng mga nakapaligid sa akin. Sa ikalawang pagkakataon, hinayaan kong sila ang humulma ng aking paniniwala para maging masaya ang lahat. Ito ang kadiliman sa aking isipan, ang nakapandidiring paniniwalang ito. Para naman sa aking katauhan, ang dating tunay na ngiti ay bumalik sa pagkukunwari. Nawawalan ako ng hawak sa mundo at ang masama pa, minsan ay nagugustuhan ko ito. Mistulang kasabawan lamang na pilit na pinasak sa aking pagkatao. Minsan ay parang droga o di kaya’y serbesa na sa pagdilim lamang ng kapaligiran, sa loob ng isang saradong silid, nasasaid ang pilit na ligaya.

Walang kalangitan na makikita sa kwarto sa ikalawang palapag ng Main. Tanging anino lamang ng gusali ng Emilio Aguinaldo College ang masisilayan mo. Isang aninong tila nang-aasar at nangingitil ng iba’t-ibang pinagkukunan ng ligaya.

Ang kadiliman, ang maskara at ang pagkukunwari ay naglaho sa ika-apat na taon.

Naisip ko, pwede naming maging masaya. Bakit ko hahayaan ang aking sarili na lamunin ng kalungkutan? Ang pagdurusa ay nasa tao, nasa kanya na ito kung pipiliin niyang isuka ang kanyang sariling kaligayahan hanggang siya’y mamatay. Lahat ng bagay, dapat may hangganan. Dapat malaman din natin sa ating sarili kung kalian dapat tumigil at kung kalian dapat ipagpatuloy ang mga bagay-bagay. Kung naipagpapalit mo na ang sarili mo para sa iba, ano na lamang ang matitira sa iyo? Isang  bakas ng anino, isang sulyap sa sulok kawalan?

Ang hangin ay nagging marahan at ang anino’y naging malamig sa himpapawid ng maynila. Ang salamin ay nabasag na.          Sa isang bakanteng upuan sa loob ng kwartong may apat na pader, sa wakas, natagpuan ko na rin ang aking matagal na ikinubling sarili.

Hitlist

  • Mahilig ako sa borloloy
  • Naglalaro ako ng Barbie at Polly Pocket
  • Madalas ako mag-crossdress
  • Meron akong relasyon sa Baby ko
  • …pero hindi niya alam ito
  • Nagkukurbata ako dahil trip ko lang
  • ‘Di ko magawang maging matapang pag may lumilipad na ipis
  • May unhealthy obsession ako sa…
  • Babae pala ako
  • Dinadalangin kong sana’y maka-graduate na
  • At sana, mahagkan na kita

Dekada Nobenta

Ako’y bente-anyos na. Dalawang dekada na ang alaala ng 90’s. Tulad ng mga imbang martial law babies (80’s children), may sarili ring angking ka-weird-uhan ang mga bata ng henrasyon ko. Siguro, wala kaming maipagmamalaking people power o kaya mga iniyakang radio-drama. Wala rin kaming alam tungkol sa toning water at nutri-bun. Kung tutuusin, marami pa kaming hindi alam.

Pero alam ko na isa ang henerasyon sa mga nakapila bilang susunod na mga mamumuno ng bayan (kung may pamumunuan pa).

Pero sa mas kwelang side ng maraming bagay, nakiuso na rin ako sa mga “Batang numero dito ka kung…” na nauso nung lumaganap ang dial-up sa bahaging ito ng daigdig.

Ang tunay na batang 90’s nakaranas magsuot ng glittery platforms ng sketchers at ng makulay (at minsa’y matunog) na mga rubber shoes. Kumakanta kami ng buchikik habang pinapanood ang Calendar Girls sa APO at si Aisa sa Eat Bulaga. Pakiramdam ko lahat ng batang babaeng ka-edad ko ay nagtali ng pigtails dati dahil kay Aisa.

Mga anak kami ng Macarena at Baywatch. Kahit wala pa siguro kaming pakialam sa laki ng boobs nina Hasselhoff at Anderson, go lang kami sa panonood ng slow-mo na pagtakbo nila sa beach na napakaraming nalulunod na tao. Umikot ang mundo namin sa pakikipagsapalaran ni Goku kasama ang ulap niyang ‘di ko alam kung Clinton ba o Kinton ang pangalan. Kasabay nito ang pakikipaglaban ng Power Rangers sa mga kampon ng kadiliman kasama ang isang malaking ulong di ko alam kung ano ang ginagawa doon. Big deal din sa amin ang kwento ng BT’X at mga Batang X. Syempre, dakilang tagasubaybay rin kami nina Eugene, Taguro, Fujiko at Lupin.

Umiyak ang iba sa amin sa Goodbye, Butterfree epidode ng Pokemon. Kakumpetensya ng Pokemon ang Digimon sa dos at kahit papano, nalito kami kung lalake ba o babae si Palmon. Kabisado namin ang forms ng kougan-anki ni Lorcan pati ang mga kanji ng walong dragon ni Recca. Nabagabag kami sa pagtili ng apoy ni Kurei. Tinaas din namin ang aming kamay at napa-halleluiah sa tuwa noong namatay sina Freeza, Cell at matabang Majin Buu.

Sa kabilang banda, nababad kami kina Fulgoso, Marimar at Fernando Jose. ‘Di namin mawari kugn bakit ‘di sabay ang bibig sa sinasabi sa TV. Pai si Chubilita pinatos namin ‘pag hindi pa pinapalabas ang Wedding Peach o kaya ang Sabre Marionettes. Sa gabi, umiiyak si Esperanza sa bisig ni Wowie. Kadikit nilang nag-iiyakan sina Via at Gabriel sa Mula sa Puso. Bago pa man kami humantong diyan, napagpalit muna sa kuna sina Mara at Clara.

Jusko, ang ngitngit namin kay Clara abot langit.

Sa kalye, nalasap namin ang patintero, trumpo, syato, tumbang preso, langit-lupa, piko at kung anu-ano pa. Kung gusto namin ng equips, sikat na ang may pellet gun pero ok na rin ang daliri na nagpapanggap na ray-gun. Sikat dati ang may Gameboy pero mas naging imba ang may Playstation. Nakuha na ng Playstation ang kaluluwa namin bago pa naimbento ang 9gag. Oo nga pala, kami ang tunay na pilot ng FF series.

Sa lahat ng naganap sa dekada nobenta (kasama ang pagkaskas sa radyo ni yaya ng kantang Rivermaya at Eraserheads) wala pa ring tatalo sa Alaska.

Sa mga batang ka-henerasyon ko, isa lang naman talaga ang tanong ko eh. Nami-miss niyo rin ba ang ice candy na tigma-miso (which also comes in many exciting flavors)?

Ob(e)session

Ang random ng maraming bagay sa mundo. Pero sabi ng pari kanina, kasali raw ang lahat sa iisang grand plan. Sa tingin ko, kulang lang sa vetsin ang buhay o di kaya’y masyadong malaki ang canvas na inilaan para sa ating lahat. Kaya ‘di pa ako kinakabhan dumating ang 2012, marami pa kasing space na di pa napupunuan ng sapat na atensyon.

Ayan, babad na ako sa Eraserheads at Rivermaya. ‘Di ko alam kung magandang bagay ba ito o kung ano man. Pakiramdam ko tuloy lagi na lang akong huli sa balita.

Medyo tinatamad akong gumalaw. Tinatamad akong mag-effort dahil 2nd sem na. Isa pa, magpapasko na. kahit di ko ramdam ang season, nandun ang pagiging lethargic; nandun ang pagiging tamad.

Lilipas din ‘to. Sana lumipas ‘to bago mag-Pebrero.

Pakiramdam ko bakla lang ako na nasa katawan ng isang babae.

Ako Bilang Tao

Let me tell you something about nothing in general. This nothing is essentially my life…in the language I speak and with the people I manage to interact with every day. I just hope that those who understand will keep their opinions to themselves, whether in agreement or otherwise.

Hindi naman ako mabait na tao. Siguro hindi rin moral, kung ano man ang ibig sabihin ng salitang yan. Siguro masama childhood ko o kaya nagkaroon ako ng masasamang impluwensya sa buhay ko. Wala naman din akong maisip na mali kasi para sa akin, mali lahat ng sumasalungat sa tunay ng paniniwala ng isang tao. Wala rin akong sinisisi kung bakit ako ganito. I won’t apologize for who I am.

Hindi naman din ako banal. Wala na rin akong pakialam sa relihiyon at hindi ko alam kung bakit maraming nakikialam sa relihiyon na kinabibilangan ko. Sa tingin ko kasi mas ok na ang taong sumasamba sa gamu-gamo pero tuwid ang buhay kesa sa nagpepenitensya pero naninipa ng bata. Hindi ko rin maisip kung bakit magkakaiba pa dapat ang punto ng paniniwala dahil sa huli, may nakakaalam na nga ba kung paano mamatay at mabuhay muli? May pictures na ba ng great beyond? Kung meron man, di umabot sa akin ang balita at malamang, wala rin naman akong pakialam kasi spoilers lang din naman ang dating noon sa akin. Para sa akin, mas mahalagang maniwala ka at ‘wag mag-alinlangan. 

Wala namang kaso sa akin na maging banal ang lahat ng tao sa paligid ko. Wala rin namang kaso ‘yon kung sa tingin mo tama lahat ng ginagawa mo. Keri lang ‘yan, di naman kita mababago. Pero kung ipagpipilitan mo sa akin na mali ako dahil hindi tayo pareho ng pananaw, mag-aaway lang tayo. Lalo na kung pipilitin mo akong baguhin para maging katulad mo. Para mo na akong tinanggalan ng kalayaan para maging ako eh hindi naman kita pinipigilang maging ikaw.

Siguro ang sinasabi ko lang eh maraming nakakalimot sa mga prinsipyong binigay sa atin noong kinder palang tayo; gawin sa iba kung ano man ang gustong gawin para sa sarili. Hindi naman mahirap na konsepto ‘yon. Isang linya lang, walang formula at latin na pananalitang kalakip. Pwede pang gawing astig na tato. 

Wala naman akong pinangangaralan. Wala naman akong lisensya para mangaral dahil isa ako sa mga taong may mukha at bibig na ‘di madaling paniwalaan.Wala na rin naman akong pakialam sa mga naniniwala o hindi. Nasabi ko na rin naman ang dapat sabihin. 

Pahabol lang. Nakakapika rin kasi na kailangang isapubliko ang pagiging banal. Manampalataya ka kung gusto mo pero ‘wag mo nang ipagyabang na ganyan ka. Ang counterproductive kasi.